Friday, November 16, 2012

Bintana



Maganda ang simula ng umaga sa araw kong iyon. Bukas ang lahat ng bintana at pumapasok ang hindi maalikabok na hangin sapagkat umuulan naman sa labas. Kahit kailan ay hindi ko ginustong umulan ng malakas sa siyudad na tinitirahan ko. Ngunit ang araw na yaon ay nagbigay sa akin ng di maipaliwanag na kasiyahan sa puso. 

Madilim ang paligid at basa ang daanan. Umaagos naman ng malakas ang maruming tubig sa dinudungaw kong estero habang ang mga batang kalye, bagamat umuulan ay patuloy pa rin sa pangangatok sa mga sasakyang dumadaan at humihinto. Sa isang banda ay napansin ko ang isang binatang matagal na palang nagmamasid sa akin. Sa takot ko ay dali-dali akong umupo upang hindi niya ako makita.

Matagal-tagal rin ang pagtatago ko para di ko na siya makita sa muli kong pagdungaw. Binagot ako sa kakaupo at tumayo akong muli at dumungaw sa banda kung saan ko nakita ang binata. Ngunit kabaligtaran sa aking inaasahan, ang binatang nakaputi ng damit na nakasukob sa isang itim na paying ay nakatingin pa rin sa lugar na aking kinatatayuan. 

Tinalasan ko ang aking mga mata at pilit kong ipinagwalang bahala ang kalabuan ng aking paningin upang siguraduhin kung talaga bang sa akin siya tumitingin. Sa pag-aakala kong hindi niya mapapansin ay idiniin ko ang aking mga mata sa bintana ng aking silid upang siya ay siyasatin. Ngunit ako’y kanyang nginitian. Sa pagkamangha ko’y napangiti ako sa kanya nang bigla niyang itinaas ang kanyang kamay at ikinaway sa akin. Sa puntong iyon ay nagising ako sa pangaral ng mga nakakatanda sa akin, “Wag kaibiganin ang mga taong hindi mo kilala.” Napahinto ako at nanlunok. Sa kaba ko ay agad-agad kong isinara ang bintana ng aking silid. 

Magkahalong takot at panghihinayang ang nadama ko sa araw na iyon. Takot na baka mapaibig ako sa isang estranghero at panghihinayang sapagkat sa pagsara ko ng bintana ay para ko na ring isinara ang pagkakataong makilala ang binatang iyon. Ang estrangherong iyon, isang magandang nilalang na inilikha ng Diyos. Sa pagsara ko sa bintana ng aking puso ay nabilanggo ko siya sa loob nito.

Isang estorya hango sa aking mga karanasan noong ika-13 ng Pebrero, 2011.

Ang estrangherong iyon ay ‘di ko na ulit nasilayan matapos ang araw na iyon.

Bintana by Rhey Anne Alvarico




No comments:

Post a Comment